You’re FIRED! Part 1



“It’s the economy, stupid!” Isa ito sa mga campaign slogan ni dating US President Bill Clinton noong 1992. Layunin ng slogan na iparating sa mga US citizens noon na sa pagpapatakbo ng bansa, napakahalaga na i-prioritize ang economy. Totoo pa rin ito hanggang sa ngayon, at lalong totoo ito sa Pilipinas. Tuwing tumatamlay ang ekonomiya, lalong tumataas ang poverty rate sapagkat naaapektuhan nito ang employment. Ang isang matamlay na ekonomiya ay maaaring mangahulugang pagkalugi ng mga negosyo.

Kapag nalulugi na ang isang negosyo, may tendency ito na magbawas ng tauhan. Dito pumapasok ang retrenchment na isa sa mga tinatawag na authorized causes for termination of employment. Pinapayagan ang retrenchment upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng isang negosyo, subalit batay na rin sa batas ng Pilipinas, may mga dapat munang patunayan bago maging valid ang retrenchment na nais ipatupad ng isang business firm.

Una, dapat substantial ang pagkalugi. Ibig sabihin, dapat na makatotohanan at mabigat ang pagkalugi na nais iwasan ng negosyo para mag-implement ng retrenchment. Ikalawa, kailangang hindi na mapipigilan ang iniiwasang pagkalugi kung kaya’t magbabawas na ng tauhan ang negosyo. Ikatlo, kailangang mapatunayan na tunay na kailangan at epektibong makaiiwas ang employer mula sa pagkalugi kung ipatutupad ang retrenchment at dapat na nakapagpatupad na ng ibang pamamaraan upang maiwasan ang pagkalugi bago humantong sa pagbabawas ng tauhan. Ikaapat, kailangan mapatunayan sa pamamagitan ng ebidensya ang pagkalugi sa pamamagitan ng audited financial statement.

Kung sakali man na na-satisfy ang mga nabanggit sa itaas, hindi pa rin basta-basta na maaaring paalisin na agad ang employee for retrenchment. Mandated ng Philippine law na magbigay ang business firm ng at least 30-day notice sa empleyadong maaapektuhan at sa Department of Labor and Employment. Bago mag-lapse ang 30 days o bago pa man mag-last day ang employee for retrenchment, kailangang maibigay na rin sa kanya ang separation pay na katumbas ng kalahati (1/2) ng buwanang suweldo sa bawat taon ng serbisyo. Binibilang na bilang isang taon ang anumang fraction ng anim na buwan.

Masakit isipin na may mga negosyong nalulugi sapagkat bukod sa may katumbas itong epekto sa ekonomiya, may direct impact ito sa employment ng mga tao. Anu’t ano pa man, makatutulong ang kaalaman tungkol sa batas na ito, mapa-negosyante man o manggagawa. Mayroon din na mga law firm sa Pilipinas na tiyak na handang magbigay ng legal assistance sakaling may mga katanungan pa hinggil sa topic na ‘to.

No comments

Powered by Blogger.